Huwebes, Abril 9, 2026

Kwentong bayan

KWENTONG BAYAN
‎kayraming kaysarap basahing kwentong bayan
‎tulad ng One Thousand and One Nights, kainaman
‎sa atin, Juan Tamad, Ibalon, Pilandok
‎kwentong katutubò, mulâ patag at bundok
‎ninais kong makapagsulat ng ganito
‎tulâ, pabulâ, dulâ, sanaysay, at kwento
‎batay sa mga katutubò, mandirigmâ,
‎kalinangan, kasaysayan ng ating bansâ
‎sinalaysay ng samutsaring salinlahi
‎mula sa panahong sinauna ng lipi
‎ang sinalaysay ng makatang umiibig
‎at ng mga mandirigmang di nagpalupig
‎ilan iyan sa aking mga nilalayon
‎misyong isinasabuhay noon at ngayon
‎kumathâ ng maraming akdâ yaring pakay
‎at kwentong bayan ay panatilihing buháy
‎- gregoriovbituinjr
‎04.10.2026
‎* larawan mulâ sa larong Word Shatter sa selpon

Lunes, Abril 6, 2026

Una Pahalang: Binibigkas ng makatâ

UNA PAHALANG: BINIBIGKAS NG MAKATÂ
‎salamat sa unang tanong, nakatutuwâ
‎dahil aking pagkatao ang binabadyâ
‎una pahalang pa lang, sagot ko na'y TUL 
‎kayâ tula'y agad kinathâ ng makatâ
‎nakabibigkas lang ng tulâ pag may rali
‎pag nabatid ang isyu, doon sinasabi
‎ng patulâ, madalas tula'y hinahabi
‎sa rali lalo na't sa masa nagsisilbi
‎bihirang bumigkas, kapag may okasyon lang
‎bagamat araw-gabi'y nasa pasulatan
‎kathâ ng kathâ ng tulâ para sa bayan
‎gagawing libro upang basahin ng tanan
‎salita'y balaraw na aking inuulos
‎sa bulok na sistemang ipinagpupuyos
‎niring loob, sistemang dapat kinakalos;
‎salamat sa krosword na aking tinatapos
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.06.2026
‎* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2026

Biyernes, Abril 3, 2026

Pagtaguyod sa kapwa makata't tulâ

PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
‎itinataguyod ko ang kapwa makatâ
‎pati mga pinaghirapan nilang tulâ
‎ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
‎kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
‎pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
‎paglalambing ng dila'y nagiging madulas
‎ang pananalinghaga'y agad mawawatas
‎parang walang kupas na Batute't Balagtas
‎itutulâ ko sa pusikit na karimlan
‎ang diwà ng mga makatang kaibigan
‎kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
‎pananaw, akala, isinasalarawan
bagamat wala man kami sa toreng garing
‎kami'y magkasangga gaano man kadilim
‎ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
‎may bagong umaga't rosas na masisimsim
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.04.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon