Huwebes, Marso 26, 2026

DRAWER o REWARD?

DRAWER O REWARD?
‎baligtaran pag binasa
‎yaong dalawang salitâ
‎wastong sagot ay DRAWER ba?
‎o REWARD kayâ ang tamâ?
‎goal-setting word ba ang DRAWER?
‎o mas goal-setting ay REWARD?
‎kung gamit sa opis, DRAWER
‎kung nais maabot, REWARD
‎larong Word Shatter sa selpon
‎ay sadyang nakawiwili
‎parang salita'y palindrome
‎y'ung pamagat nito, pwede
‎salamat, may ganyang larô
‎na sa diwa'y ehersisyo
‎at sa pagod mo'y susugpô
‎larong magugustuhan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.27.2026

Miyerkules, Marso 25, 2026

May karapatan tayong lumaban

MAY KARAPATAN TAYONG LUMABAN
‎may karapatan tayong lumaban
‎kahit na dama natin ang takot
‎gaano man ang kapangyarihan
‎ng mga buktot at mapang-imbot
‎mandarambong sa pondo ng bayan
‎ay dapat lang nating mapanagot
‎at silang kurakot at gahaman
‎sa sala'y di dapat makalusot
‎sino bang sa kanila'y papalag
‎kundi ang masang nakikibaka
‎mga trapong kayraming paglabag
‎ay dapat patalsikin ng masa
‎tara na, magsikilos na tayo
‎at karapatan nati'y igiit
‎managot ang kurakot sa pondo
‎ng bayan, dapat silang ipiit
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.25.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Biyernes, Marso 20, 2026

Hubad kong isip

‎HUBAD KONG ISIP
‎animo'y makatâ ang lumikhâ
‎ng krosword na aking nasagutan
‎"Hubad kong isip", nakatutuwâ
‎tingni ang Labing-isa Pahalang
‎kahulugan pala'y inosente
‎o batang di nasagpang ng leyon
‎at di kinakanti ng salbahe
‎ako sa sarili'y napabulong:
‎"katalamitam ko sa pag-idlip
‎ang naroong magandang diwatà
‎di mawari ng hubad kong isip
‎sa harap niya ako'y tulalâ"
‎lumikha ng krosword ba'y tulad ko?
‎makatang walâ sa toreng garing?
‎sinalita'y kaygandang totoo
‎ang hubad kong isip ay nagising
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026
‎* palaisipan mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Enero 6, 2026, p.7

Huwebes, Marso 19, 2026

Ingat: Babala o Bilin?

INGAT: BABALA O BILIN?
‎‎aba'y mali yaong tanong
‎na "Babala sa lilisan"
tatlumpu't walo pahalang
‎sa isang palaisipan
‎para bagang nananakot
‎o may himig pagbabantâ
‎gayon ba ang kahulugan
‎pag sinabihan mong "Ingat"?
‎kung ako ang tagagawâ
‎ng krosword na tulad niyon
‎mas mabuti pang isulat
‎doon: "Bilin sa lilisan"
‎pag sinabi mong "Babala"
‎may mangyayaring masamâ
‎di gaya ng "Bilin", siya'y
‎pinapayuhan mong sadyâ
‎may saya't kurot sa pusò
‎pag sinabihan kang "Ingat"
‎nagsabi'y mabuting tao
‎asam ay kaligtasan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026

‎* krosword mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2026, p.7 

Panligaw o mali ang pamagat?

PANLIGAW O MALI ANG PAMAGAT?
‎U.S. State Capital ang pamagat
‎ngunit pagkain ang pagpipilian
‎tila nililigaw tayo ng landas
‎na duduluhin pala'y kapalpakan
‎anong kinalaman ng meatloaf, fillet,
‎steak, sauce, at brisket sa kapitolyo
‎ng mga estado doon sa U.S.
‎ito kaya'y pagkain sa Washington?
‎marahil ngunit iba ang himaton
‎o clue, kaylayo kung susundin iyon
‎bakit kaya ganyan ang pagkasulat
‎o baka namali lang ng pamagat
‎gayunpaman, mabuti't nasagutan
‎ang nilalaro kong palaisipan
‎ang pamagat man ay nakalilito
aba'y di naman tayo natuliro
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.19.2026

* mula sa larong Word Shatter sa selpon

Martes, Marso 17, 2026

Narating ko na ang Level 6666

NARATING KO NA ANG LEVEL 6666
‎apat na digit, iisang numero
‎apat na six na ang level na ito
‎pag tatlong six, numero ng diyablo
‎apat na six ba'y kaninong simbolo?
‎nilalarô ko lang itong Word Connect
‎hinggil sa mga nirambol na titik
‎larô itong sadyang nakasasabik
‎larô ng tahimik at walang imik
‎may mabubuô kang mga katagâ
‎sa hanggang pitong titik na salitâ
‎pag nabuo na, tiyak matutuwâ
‎at nakapag-ehersisyo ang diwà
‎level six six six six na ang naabot
‎seven seven seven seven ang sunod
‎sa level eight eight eight eight ba'y lulusot
‎level nine nine nine nine sana'y maabot
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.17.2026

Miyerkules, Marso 11, 2026

Silent - Listen; Silence - License

SILENT - LISTEN; SILENCE - LICENSE
‎pag nirambol ang titik ng isang salitâ
‎ay may mabubuo kang iba pang katagâ
‎ang SILENT ay LISTEN, makinig nang tahimik
‎at ang napakinggan ay maisasatitik
‎ang SILENCE ay LICENSE, tahimik magmaneho
‎may lisensya, pag nahuli'y maaayos mo
‎tingni ang salitang pag nirambol, THREE is THERE
‎if you WON, you OWN it NOW, pati ERAAREEAR
‎paano mo ma-COMPILE ang mga POLEMIC
‎paano i-DRAW ang WARD na talagang siksik
‎paano mo i-SHOUT sa SOUTH, hindi THORN ang NORTH
‎dapat sa TOPS ng POTSSTOP ang POST sa SPOT
‎sabi ko nga, COULD CLOUD HATE the HEAT, isang tanong
‎ilang PIECES ang SPECIE, isa pang tanong
‎minsan nga'y nakakapagod din ang ganito
‎mabuti pa kayâ, maglaro na lang tayo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026
‎* mga litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Lunes, Marso 9, 2026

Ikasampu, ika-10

‎IKASAMPU, IKA-10
‎walang gitling ang ikasampu
‎iyan ang wasto pag nagdugtong
‎ang panlapi't salitang ugat
‎balarila'y alam mo dapat
‎may gitling na pag ika-10
‎iyan ang wastong pagdurugtong
‎ng panlapi at ng numero
‎balarila'y batid mo dapat
‎ikasampu ngayon ng Marso
‎ika-10 ngayon ng Marso
‎pansinin mo ang gamit nito
‎balarila'y tinurò ito
‎meron ka sanang natutunan
‎sa abang makatâ ng bayan
‎túrong ito'y pakatandaan
‎nang wasto'y gamitin ng tanan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026
‎*litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

11 titik na sagot sa krosword

‎11 TITIK NA SAGOT SA KROSWORD
‎nakatutuwâ minsan ang palaisipan
‎pag mga salita'y nagsanga-sangandaan
‎Pahalang: KAHALAGAHAN, KASALUKUYAN
‎Pababa: KALIGAYAHAN, KATAGALUGAN
‎ang krosword ay di lamang pampalipas-oras
‎kundi isipan natin ay pinatatalas
‎kumbaga ito'y ehersisyong pampalakas
‎ng utak, kung sa pagkain ay panghimagas 
‎bagamat "ka" ang unang pantig ng salitâ
‎at "an" naman ang sa dulong salitâ, tugmâ
‎wastong panlaping gamit sa mga katagâ
‎karaniwan sa ating katutubong wika
‎sumasagot ng krosword sa araw at gabi
‎ang makatang sa sambayanan nagsisilbi
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.09.2026
‎* krosword mulâ sa pahayagang Abante Tonite, 01.06.2026, p7

Linggo, Marso 8, 2026

Bunga, bungi, bungô

‎BUNGA, BUNGI, BUNGÔ
‎iba't ibang patinig
‎sa dulo ng salitâ
‎palaisipang ibig
‎kong masagutang sadyâ
‎ano kayâ ang sagot?
BUNGABUNGI, o BUNGÔ?
‎ano ang bungang dulot?
‎nabungi o nagdugô?
‎krosword pag sinagutan
‎ay dapat mong alamin
‎ang Pababa't Pahalang
‎nang tamang sagot kamtin
‎ganyan lang, katoto ko
‎at masasagutan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.09.2026

Balakin ng makatang taring

BALAKIN NG MAKATANG TARING
‎isang nobela ng pag-ibig
‎at araw-araw na pagtulâ
‎mga adhikang nakasandig
‎sa kalooban, puso't diwà
‎napakapayak na pangarap
‎na ninanais kong maabot
‎kahit gaano pa kahirap
‎danasin ma'y kayraming gusot
‎kwento ng masa'y susulatin
‎hanggang maging nobela ito
‎tulâ sa dukha'y kakathain
‎na araw-gabi'y gawain ko
‎patuloy akong magpapawis
‎kaharapin ma'y kahirapan
‎sa kabilâ ng dusa't amis
‎ito'y mapagtatagumpayan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.09.2026
‎* mga litrato mula sa larong Word Connect sa selpon

Biyernes, Marso 6, 2026

Ang tatlo niyang punò

ANG TATLO NIYANG PUNÒ

natutunan niya noong siya'y bata pa
paanong pagtanim ng puno'y mahalaga
para sa kabuhayan ng kanyang pamilya
tulad ng alagang apitong, nara't mangga

iyon ang tatlo niyang punong pamana pa
ng di na niya naabutang lolo't lola
at inalagaan ng kanyang ama't ina
ang pangangalaga'y sa kanya naipasa

dahil sa sipag ng kanyang mga ninunò
mulâ binhi, tinanim, dinilig, lumagó
pamilya'y di nagutom, nanatiling buó
nakapag-aral sila't buhay ay nahangò

nabenta ang kahoy ng apitong at nara
punò ng mangga'y patuloy na namumunga
panibagong puno'y itinanim pa nila
para sa mga henerasyong susunod pa

- gregoriovbituinjr.
03.07.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Martes, Marso 3, 2026

Kalye

KALYE

kayraming tao sa kalye
magtatahô, bumibili
may batang hamog, pulubi
may dumaraang dyip, kotse

may tulad kong nagrarali
may mga bata't babae
magagandang binibini
ang naglalakad sa kalye

maralitâ, trabahante
manggagawa, pahinante
at mayroon ding salbahe
kaytindi kung dumiskarte

ang nagtitinda sa kalye
ay kumikita, di lugi
simpleng buhay, ganyan kami
sa araw man o sa gabi

- gregoriovbituinjr.
03.04.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Linggo, Marso 1, 2026

Nakakapagod mang magsulat

NAKAKAPAGOD MANG MAGSULAT

nakakapagod mang magsulat
gagawin ko pa rin ang lahat
ng kaya kahit anong bigat
upang magsulat at magmulat

ako man ay abang makatâ
kumakathâ para sa madlâ
ng kwento, tulâ at pabulâ
asahang pluma'y magdadagtâ

pag pagod, magpahinga muna
at ipikit ang mga mata
isiping mayroong pag-asa
pag ang masa'y nagsama-sama

kumain at maging malusog
upang sa diwa'y umimbulog
ang mga paksang may indayog
na sa puso'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
03.02.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon