Sabado, Pebrero 28, 2026

Daksipat pala'y teleskopyo

DAKSIPAT PALA'Y TELESKOPYO  

mayroon palang wikang Filipino
sa largabista o sa teleskopyo
subalit wala pa sa diksyonaryo
nang ito'y talagang saliksikin ko

kung ang matematika ay sipnayan
at ang aritmetika ay bilnuran
kaybuting daksipat ay natutunan
doon pa sa krosword na sinagutan

marahil galing ito sa Cebuano
dakô o malaki'y makikita mo
sa sipat o sinilip mong totoo
dakô at sipat, daksipat na ito

kuro-kuro ko'y dapat matiyak pa
salita'y saan nagmulâ talaga
hinanap ko ang etimolohiya
daksipat ay nasa Wikipedia na

pasya ko'y gamitin na ang daksipat
sa pagtulâ at kwentong isusulat
wikang sarili'y payabunging tapat
sa salitang ito, daghang salamat!

- gregoriovbituinjr.
03.01.2026

* mula sa palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 24, 2026, p.7

CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

pitong rambol na titik ang pinilit
kong buuin, lahat ng letra'y gamit
apat na salita'y nabuong saglit:
CAPITOL, TOPICAL, OPTICAL, COALPIT

nakatutuwang makita ang ganyan
tulad din ng BEDROOM at BOREDOM iyan
inip ka na ba sa iyong tulugan?
SILENT ay LISTENSILENCE ay LICENSE man

tara, minsan, maglaro ng Word Connect
nang sa BEDROOM ay di BOREDOM ang hibik
hulaan lang sa nirambol na titik
ang salitang buuin mong tahimik

ganyan, Word Connect pag nagpapahinga
nalilibang ang sariling may dusa
panahong wala mang kwento'y may kwenta
minsan sa lumbay ito'y tagasalba

- gregoriovbituinjr.
02.28.2026

Linggo, Pebrero 22, 2026

Mouses

MOUSES

sa nilalaro ko sa selpon na Word Connect
may isang sagot na tsamba't di ko maisip
pagkat sumulpot doon ang salitang MOUSES
gayong tamang plural ng MOUSE ay MICE, di MOUSES
parang plural ng HOUSE ay di HICE, kundi HOUSES

anong uring Ingles ang MOUSES makikita
o wala na ba talagang maisip sila
kayraming salitang pang-Word Connect talaga
ngunit ang isang ito'y nakapagtataka
di batid kung salitang ito'y ginamit na

ngunit patuloy pa rin akong naglalarô
ng Word Connect pag nagpapahinga o hapô
mabuti sa kalusugan ko't di siphayò
dahil nakagaganda sa isip ko't pusò

- gregoriovbituinjr.
02.23.2026