Huwebes, Abril 9, 2026

Kwentong bayan

KWENTONG BAYAN
‎kayraming kaysarap basahing kwentong bayan
‎tulad ng One Thousand and One Nights, kainaman
‎sa atin, Juan Tamad, Ibalon, Pilandok
‎kwentong katutubò, mulâ patag at bundok
‎ninais kong makapagsulat ng ganito
‎tulâ, pabulâ, dulâ, sanaysay, at kwento
‎batay sa mga katutubò, mandirigmâ,
‎kalinangan, kasaysayan ng ating bansâ
‎sinalaysay ng samutsaring salinlahi
‎mula sa panahong sinauna ng lipi
‎ang sinalaysay ng makatang umiibig
‎at ng mga mandirigmang di nagpalupig
‎ilan iyan sa aking mga nilalayon
‎misyong isinasabuhay noon at ngayon
‎kumathâ ng maraming akdâ yaring pakay
‎at kwentong bayan ay panatilihing buháy
‎- gregoriovbituinjr
‎04.10.2026
‎* larawan mulâ sa larong Word Shatter sa selpon

Lunes, Abril 6, 2026

Una Pahalang: Binibigkas ng makatâ

UNA PAHALANG: BINIBIGKAS NG MAKATÂ
‎salamat sa unang tanong, nakatutuwâ
‎dahil aking pagkatao ang binabadyâ
‎una pahalang pa lang, sagot ko na'y TUL 
‎kayâ tula'y agad kinathâ ng makatâ
‎nakabibigkas lang ng tulâ pag may rali
‎pag nabatid ang isyu, doon sinasabi
‎ng patulâ, madalas tula'y hinahabi
‎sa rali lalo na't sa masa nagsisilbi
‎bihirang bumigkas, kapag may okasyon lang
‎bagamat araw-gabi'y nasa pasulatan
‎kathâ ng kathâ ng tulâ para sa bayan
‎gagawing libro upang basahin ng tanan
‎salita'y balaraw na aking inuulos
‎sa bulok na sistemang ipinagpupuyos
‎niring loob, sistemang dapat kinakalos;
‎salamat sa krosword na aking tinatapos
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.06.2026
‎* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2026

Biyernes, Abril 3, 2026

Pagtaguyod sa kapwa makata't tulâ

PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
‎itinataguyod ko ang kapwa makatâ
‎pati mga pinaghirapan nilang tulâ
‎ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
‎kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
‎pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
‎paglalambing ng dila'y nagiging madulas
‎ang pananalinghaga'y agad mawawatas
‎parang walang kupas na Batute't Balagtas
‎itutulâ ko sa pusikit na karimlan
‎ang diwà ng mga makatang kaibigan
‎kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
‎pananaw, akala, isinasalarawan
bagamat wala man kami sa toreng garing
‎kami'y magkasangga gaano man kadilim
‎ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
‎may bagong umaga't rosas na masisimsim
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.04.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Huwebes, Marso 26, 2026

DRAWER o REWARD?

DRAWER O REWARD?
‎baligtaran pag binasa
‎yaong dalawang salitâ
‎wastong sagot ay DRAWER ba?
‎o REWARD kayâ ang tamâ?
‎goal-setting word ba ang DRAWER?
‎o mas goal-setting ay REWARD?
‎kung gamit sa opis, DRAWER
‎kung nais maabot, REWARD
‎larong Word Shatter sa selpon
‎ay sadyang nakawiwili
‎parang salita'y palindrome
‎y'ung pamagat nito, pwede
‎salamat, may ganyang larô
‎na sa diwa'y ehersisyo
‎at sa pagod mo'y susugpô
‎larong magugustuhan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.27.2026

Miyerkules, Marso 25, 2026

May karapatan tayong lumaban

MAY KARAPATAN TAYONG LUMABAN
‎may karapatan tayong lumaban
‎kahit na dama natin ang takot
‎gaano man ang kapangyarihan
‎ng mga buktot at mapang-imbot
‎mandarambong sa pondo ng bayan
‎ay dapat lang nating mapanagot
‎at silang kurakot at gahaman
‎sa sala'y di dapat makalusot
‎sino bang sa kanila'y papalag
‎kundi ang masang nakikibaka
‎mga trapong kayraming paglabag
‎ay dapat patalsikin ng masa
‎tara na, magsikilos na tayo
‎at karapatan nati'y igiit
‎managot ang kurakot sa pondo
‎ng bayan, dapat silang ipiit
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.25.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Biyernes, Marso 20, 2026

Hubad kong isip

‎HUBAD KONG ISIP
‎animo'y makatâ ang lumikhâ
‎ng krosword na aking nasagutan
‎"Hubad kong isip", nakatutuwâ
‎tingni ang Labing-isa Pahalang
‎kahulugan pala'y inosente
‎o batang di nasagpang ng leyon
‎at di kinakanti ng salbahe
‎ako sa sarili'y napabulong:
‎"katalamitam ko sa pag-idlip
‎ang naroong magandang diwatà
‎di mawari ng hubad kong isip
‎sa harap niya ako'y tulalâ"
‎lumikha ng krosword ba'y tulad ko?
‎makatang walâ sa toreng garing?
‎sinalita'y kaygandang totoo
‎ang hubad kong isip ay nagising
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026
‎* palaisipan mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Enero 6, 2026, p.7

Huwebes, Marso 19, 2026

Ingat: Babala o Bilin?

INGAT: BABALA O BILIN?
‎‎aba'y mali yaong tanong
‎na "Babala sa lilisan"
tatlumpu't walo pahalang
‎sa isang palaisipan
‎para bagang nananakot
‎o may himig pagbabantâ
‎gayon ba ang kahulugan
‎pag sinabihan mong "Ingat"?
‎kung ako ang tagagawâ
‎ng krosword na tulad niyon
‎mas mabuti pang isulat
‎doon: "Bilin sa lilisan"
‎pag sinabi mong "Babala"
‎may mangyayaring masamâ
‎di gaya ng "Bilin", siya'y
‎pinapayuhan mong sadyâ
‎may saya't kurot sa pusò
‎pag sinabihan kang "Ingat"
‎nagsabi'y mabuting tao
‎asam ay kaligtasan mo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.20.2026

‎* krosword mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2026, p.7